-- Advertisements --

MANILA – Tinatayang 50,000 vaccinators ang kakailanganin ng bansa sa oras na magsimula na ang rollout ng COVID-19 vaccine.

Ito ang sinabi ng Department of Health (DOH) sa gitna ng inaabangan nang pag-rolyo ng bakuna sa target na 70-million na Pilipino.

“Sa ngayon tinataya natin, based on the number of eligible individuals on each sector na tinitingnan natin, mangangailangan tayo ng roughly around 50,000 vaccinators para dito sa ating isasagawang deployment program sa priority population,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa Laging Handa briefing.

Paliwanag ng opisyal, naka-depende sa bilang ng eligible individuals ng kada lokal na pamahalaan ang kakailanganing numero ng vaccinators.

Ayon kasi kay Vergeire, binubuo ng hanggang anim na healthcare worker ang isang vaccination team.

Ang isang vaccination team daw ay may kakayahang mag-bakuna ng 100-katao kada araw, batay sa ginawang “time and motion study.”

“Nandyan yung magbabakuna, magmo-monitor ng side effect, magka-counsel, registration and all.”

Nilinaw naman ng Health spokesperson na tanging mga lisensyadong doktor, nurse, midwives, at pharmacists ang maaaring mag-administer o magturok ng bakuna.

Simula Disyembre ng 2020, higit 4,000 vaccine trainors na raw ang ipinakalat ng DOH sa buong bansa, para turuan ang mga healthcare workers na eligible mangasiwa ng vaccination.

“Tayo ay nagkaroon ng end-to-end process doon sa training. Hindi lang yung pagbabakuna, kundi pati yung preparatory stages at pagmo-monitor.”

Katuwang daw ng Health department sa ginawang training ang World Health Organization at United Nations International Children’s Emergency Fund.

“Dito makakasiguro tayo na only healthcare professionals who are authorized by law ang magbibigay ng mga bakunang ito.”