-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Binigyan ng military honors ng pamunuan ng 5th Infantry Division Phil. Army ang limang sundalong nasawi sa pakikipaglaban sa Abu Sayaff Group sa Patikul, Sulu.

Nauna rito binalot ng kalungkutan ang kapamilya sa pagdating ng labi ng limang Sundalong lulan ng Eroplano ng Phil. Airforce na lumapag sa Tactical Operations Group 2 .

Lulan ang mga labi nina Staff Sgt Jayson Gazzingan residente ng San Rafael East, Sta Maria, Isabela; Corporal Ernesto Bautista Jr., residente ng Naguilian Sur, Ilagan City, Isabela ; Corporal Rasul Ao-as na residente ng Magsilay, Pasil, Kalinga; Private Frist Class Benson Bongguic na residente ng Caloocan, Rizal, Kalinga at Private First Class Jomel Pagulayan residente ng Cataggaman Pardo, Tuguegarao City.

Sa ginanap na maigsing programang ay inihayag ni Major General Pablo Lorenzo, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang kanilang pagbibigay pugay sa mga nasawing Sundalo at ang pakikiramay ng buong pamunuan ng 5th ID Philippine Army sa naulilang pamilya ng mga sundalo.

Sa kabila nito ay tiniyak ni Major General Lorenzo na maibibigay ang mga kaukulang benipisyo para sa mga naulilang magulang, Anak, kapatid at Asawa ng mga sundalo.

Ang mga labi nina Staff Sgt Jayson Gazzingan residente ng San Rafael East, Sta Maria, Isabela; Corporal Ernesto Bautista Jr., residente ng Naguilian Sur, Ilagan City, Isabela ay nakaburol na ngayon sa kani kanilang tahanan habang ang tatlo pang labi ng mga sundalo ay muling isinakay sa eroplano patungong Tuguegarao Airport.