NAGA CITY – Sugatan ang limang katao matapos na mabangga ang sinasakyang pedicab sa Daet, Camarines Norte.

Kinilala ang biktima na si Edwin Carter Ricafort, driver ng pedicab at mga pasahero nitong sina Belen Alarde, Kayle Cula at mga menor de edad na 4-anyos at isang taong gulang na sanggol.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Camarines Norte Police Provincial Office, binabaybay umano ng pedicab ang provincial road sa Barangay Man Ogob, San Vicente nang aksidente itong mabangga ng Toyota Vios na minamaneho ni Manolo Remoroza Jr.

Dahil sa pangyayari nagtamo ng sugat sa kanilang mga katawan ang mga biktima na agad na dinala sa Camarines Norte Provincial Hospital.

Sa ngayon patuloy umanong binabantayan ang kalagayan ng mga pasahero habang posible namang maharap sa kaukulang kaso ang driver ng nasabing kotse.

-- Advertisement --