Sumuko na sa Camp Crame ang limang pulis ng Manila Police District na inireklamo ng robbery extortion ng isang computer shop owners.
Nitong gabi ng Lunes ay magkakasunod na sumuko kay
Presidential Anti-Origanized Crime Commission (PAOCC) Undersecretary Gilber Cruz sina Staff Sergeants Ryan Tagle Paculan at Jan Erwin Santiago Isaac, Corporal Jonmark Gonzales Dabucol at mga Patrolmen Jeremiah Sesma Pascual at Jhon Lester Reyes Pagar na mga miyembro ng MPD District Police Intelligence Operations Unit (DPIOU).
Ang nasabing pagsuko ay ilang araw matapos na ipag-utos ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr na arestuhin ang mga ito dahil sa ginawa nila.
Ang nasabing mga kapulisan ay inireklamo noong nakaraang linggo ng isang 73-anyos na si Herminigildo Mateo matapos na hingian ng P40,000 dahil sa pag-operate umano ng online gambling.
Bukod pa dito ay kinuha rin ng mga inireklamong pulis ang hard drive ng kanilang CCTV at maging ang pera sa kaha nagkakahalaga ng mahigit P3,000.
Humirit pa ang mga inireklamong pulis na dapat magbigay ang complainant ng P4,000 kada linggo bilang proteksyon.
Nakatakdang iharap ang mga ito kay PNP chief at mahaharap sa kriminal at administrative case.