-- Advertisements --

Sigurado na ang paghalal kay Leyte First District Representative Martin Romualdez bilang Speaker ng Kamara sa 20th Congress.

Ito ang inihayag ni Iloilo First District Representative Janette Garin matapos kumpirmahin na umabot na sa 291 congressmen ang lumagda sa manifesto of support para kay Romualdez.

“Overwhelming” aniya ang numero kahit hindi pa nag-eeleksyon at malinaw na indikasyon ng kakayahan ni Romualdez na manguna sa paglilingkod.

Binanggit ni Garin na kabilang sa mga ikinagulat niya na pumirma sa manifesto sina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, anak ni Bacolod Representative Albee Benitez na si Negros Occidental Representative Javi Benitez, kinatawan ng Malasakit Partylist na iniuugnay kay Senador Bong Go at ang dating campaign manager ni Vice President Sara Duterte na si Davao Occidental Representative Claude Bautista.

Nangangahulugan din umano ito na magkakaibang profile at sektor ang nagpahayag ng interes na suportahan ang naging Speaker ng 19th Congress.

Idinagdag pa ng kongresista na napatunayan na ni Romualdez ang pagiging “consensus builder” at ang kanyang liderato ay nagpapalakas sa mga kasamahan at napapanatili ang institutional integrity.

Hindi umano maaaring iluklok sa puwesto ang mga kakilala lamang at bibigyan ng posisyon para maiwasan ang gulo dahil ang kailangan ay maipiprisinta ang sarili sang-ayon sa kakayahan at historical performance.