CENTRAL MINDANAO- Pagod na sa pakikibaka at gustong mamuhay ng mapayapa ng limang mga miyembro ng New Peoples Army (NPA) na sumuko sa militar sa probinsya ng Sultan Kudarat.
Nakilala ang magkapatid na mga rebelde na sina Bobby Tayan, Billy Tayan, Untang Tayan, Ega Tayan at Waning Tayan na pawang mga residente ng Isulan, Sultan Kudarat.
Isinuko ng limang NPA ang mga matataas na uri ng armas, mga bala, magazine at mga pampasabog.
Ayon kay Lt. Col. Romel Valencia, ang commanding officer ng 7th Infantry Battalion Philippine Army na saludo siya sa mga kasapi ng NPA na nagbalik-loob na sa pamahalaan at nagpasyang bumalik na sa lipunan.
Aniya, hindi man agad makakamit ang kapayapaan sa pagbabalik-loob ng lima, tanda naman ito na nagtatagumpay ang mga programa ng pamahalaan tulad ng End Local Communist Armed Conflict o ELCAC.
Dagdag pa ni Valencia, na sa ilalim ng ELCAC, nagsama-sama ang mga ahensiya ng pamahalaan upang masiguro na makakarating ang programa at proyekto ng gobyerno sa mga rebeldeng nagbalik-loob na sa pamahalaan.
Makakatanggap naman ang mga sumuko ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng P8,000.00 bilang paunang suporta ng Provincial Government ng Sultan Kudarat at Philippine Army.