CAGAYAN DE ORO CITY- Daang-daang pamilya ang inilikas sa evacuation centers dahil sa malawakang pagbaha na naranasan sa limang bayan ng Lanao de Norte.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Office of Civil Defense o OCD Reg. Dir. Rosauro Arnel Gonzales na kabilang sa binaha ang bayan ng Maranding, Salvador, Lala, Tubod at Kapatagan.
Ayon kay Gonzales, umapaw ang mga malalaking ilog ng probinsiya dahil sa naranasang malakas na ulan simula pa kagabi na epikto ng bagyong Falcon na namataan ng Pag-Asa sa silangan ng Virac, Catanduanes.
Umabot umano sa sahig ng mga bahay ang baha kung kaya’t inutos ng OCD at lokal na pamahalaan ng Lanao Norte ang pre-emptive evacuations.
Kinansila rin ang klase sa mga bayan na apektado ng pagbaha.
Sa ngayon naka-alerto ang mga personahe ng DPWH-10 dahil sa inaasahang landslides sa mga lansangan ng probinsiya.