VIGAN CITY – Nakahanda nang magpatupad ang Department of Health (DOH) ng outbreak vaccination program kaugnay nang nakumpirmang pagbabalik ng sakit na polio sa bansa pagkatapos ng 19 na taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi Health Undersecretary Eric Domingo na lahat ng mga batang limang taong gulang pababa ay kailangang mapatakan ng oral vaccine laban sa sakit na polio.
Maliban pa ito sa isang injection na ibibigay sa mga ito upang matiyak na kompleto ang bakuna na naibigay sa isang bata laban sa nasabing sakit.
Kaugnay nito, hinikayat ni Domingo ang publiko lalo na ang mga ina, na makibahagi sa outbreak vaccination program ng DOH upang maprotektahan ang kanilang mga anak laban sa polio.
Muli rin nitong hinimok ang publiko na kalimutan na ang “dengvaxia scare” kung saan isa ito sa mga itinuturong rason kung bakit mababa ang bilang ng mga nagpapabakuna sa bansa.
Kasabay nito ay ipinaalala ng opisyal na kailangang panatilihin din ng publiko ang pagiging malinis sa katawan o proper hygiene, pati na sa paligid upang maiwasan ang polio virus at iba pang klase ng sakit na nagmumula sa mga maruruming bagay.
Samantala, pinag-aaralan ng Kamara na madagdagan ang pondo ng Department of Health para sa susunod na taon partikular na ang para sa bakuna sa polio.
Ito ayon kay Bagong Henerasyon Party-list Rep. Berdnadette Herrera-Dy matapos ideklara ng ahensya ang polio outbreak sa bansa makalipas ang 19 na taon na libre sa naturang sakit.
Kulang ayon kay Herrera-Dy, ang alokasyon na nakalaan para sa vaccination program ng pamahalaan para sa susunod na taon kaya kakausapin niya si Speaker Alan Peter Cayetano hinggil dito.
Tinatayang P800 million ang isinusulong na dagdag na pondo ng DOH para sa polio vaccination.
Tiwala ang kongresista na bagama’t patapos na ang budget deliberations ng Kamara para sa 2020 proposed P4.1-trillion national budget, magagawan pa ng paraan para maibigay sa DOH ang dagdag na pondo lalo pa at emergency situation kung ituring ang pagbabalik ng sakit na polio sa bansa. (with report from Bombo Dave Pasit)