Hindi nababahala ang 4Ps at FPJ Panday Bayanihan Party-lists sa pinakabagong tuntunin ng Commission on Elections (Comelec) na nagbabawal sa mga pangalang katulad ng “ayuda” at “teleserye.”
Ang 4Ps o Pagtibayin at Palaguin ang Pangkabuhayang Pilipino party-list ay pareho sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Department of Social Welfare and Development (DSWD)
Subalit paliwanag dito ni 4Ps Rep. Marcelino Libanan na ang 4Ps ay karaniwang termino na ginagamit sa marketing at ang DSWD aniya ang gumaya dito
Ayon naman kay FPJ Panday Bayanihan Rep. elect Brian Poe Llamanzares, nakadepende na aniya sa Comelec kung ano ang mapagpasiyahan ng poll body. Ang FPJ naman ay kumakatawan sa food, progress at justice.
Para sa kaniya, mahalaga ang patuloy na pagkatawan sa mga marginalized at iba’t ibang grupo.
Aniya, kahit FPJ ang pangalan ng kanilang partido ay pro-poor sila at para sa progreso at hustisya
Si Llamanzares ay anak ni Sen Grace Poe, na anak ng yumaong aktor na si Fernando Poe Jr. (FPJ).
Noong Biyernes, sinabi ni Comelec chairman George Erwin Garcia na hindi na papayagang magparehistro sa susunod na halalan ang mga party-list group na may hawig sa “ayuda” o “teleserye”.
Pero para sa mga susubukan pa rin ang kanilang kapalaran, sinabi ni Garcia na imamandato sa kanila na palitan ang pangalan ng kanilang partido kung nais nilang makakuha ng accreditation alinsunod sa kanilang prinsipiyo at plataporma.