Pangungunahan nina Agatha Wong, Raph Trinidad, at Rubilen Amit ang 47 atletang Pilipino na sasabak sa 12th World Games na gaganapin sa Chengdu, China mula Agosto 7 hanggang 17 ngayong taon.
Kilala ang World Games para sa mga sports na wala sa Olympics, at unang isinagawa noong taong 1981. Sa kabuuan, nakapag-uwi na ang Pilipinas ng 2 gintong medalya, 5 pilak, at 5 tansong medalya mula sa kompetisyong ito.
Ayon kay Philippine Olympic Committee President Abraham “Bambol” Tolentino, kumpiyansa silang mas marami ang mailalabang medalya ng bansa sa edisyong ito kumpara sa 2022 sa Birmingham, kung saan isang ginto lamang ang naiuwi sa pamamagitan ni Junna Tsukii sa karate.
Itatalaga naman bilang flag bearers ng Team Philippines sa opening ceremony sa Tianfu International Convention Center sina Agatha Wong at Raph Trinidad.
Si Wong, 27 anyos, ay limang beses nang SEA Games gold medalist at mayroong dalawang silver medal sa world championships. Sasabak siya sa women’s taolu taijiquan bare hands at sword, matapos makakuha ng silver medal sa 2023 World Wushu Games sa Texas.
Samantala, si Trinidad, isang gold medalist sa IWWF Asia and Oceania Wakeboarding Championships, ay sasabak naman sa kanyang unang World Games.
Kabilang din sa mga pambato ng bansa ang mga kilalang atleta tulad nina: Rubilen Amit, Jeffrey De Luna, at Chezka Centeno sa billiards; Kayla Napolis at Annie Ramirez sa jiu-jitsu; Hergie Bacyadan sa kickboxing; Rudzma Abubakar sa Muay Thai; Joyce Reboton at Reggie Ramirez sa powerlifting; Aislinn Yap sa sambo
Kasama rin ang 14 na atleta sa floorball, at 12 paddlers sa dragon boat.