-- Advertisements --
NTF GALVEZ VACCINE
IMAGE | Vaccine czar Carlito Galvez receiving his first dose of Sinovac’s CoronaVac at the UP-Philippine General Hospital/NTF, Facebook

MANILA – Nakapagtala na ng 46 adverse events following immunization (AEFI) o side effect ang Department of Health (DOH) matapos ang unang linggo ng rollout sa COVID-19 vaccines.

“Yung nagkaka-adverse events, mga minor, nagto-total ng 46 individuals,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa interview ng Bombo Radyo.

Batay sa tala ng Department of Health, as of March 7, mayroon nang 35,669 healthcare workers na naturukan ng unang dose ng bakuna.

Una nang sinabi ng health experts na normal na makaramdam ng adverse effect matapos bakunahan. Gayundin na mababa lang ang porsyento na maging grabe o “severe” ang maramdamang side effect.

Sa ngayon, nakapag-deploy na raw ang pamahalaan ng 45,700 doses ng AstraZeneca vaccines. Gayundin ng 241,000 doses ng Sinovac vaccine na CoronaVac.

Ayon kay Usec. Vergeire, inatasan nila ang mga implementation sites, tulad ng mga ospital, na tapusin sa loob ng limang araw ang pagbabakuna kapag nakatanggap na sila ng vaccine doses.

“Ang ating pagbabakuna ay ang ating tinatala at binigay na order sa mga implementation sites ay makapagbakuna ng within 5-days matapos itong ibinigay na bakuna sa kanila.”

Kabuuang 600,000 doses ng Chinese-donated na Sinovac vaccines ang dumating sa bansa noong nakaraang linggo.

Aabot naman sa 525,600 doses ng AstraZeneca vaccines din ang dumating, na donasyon ng COVAX facility sa ilalim ng World Health Organization.

Target ng gobyerno na maturukan ang tinatayang 1.8-million na frontline healthcare workers ngayong buwan hanggang Abril.

Matapos nito ay babakunahan na ang grupo ng senior citizens, mahihirap, uniformed personnel, at natitirang populasyon ng bansa.