-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nagdagdag puwersa pa ang Commission on Elections (Comelec) para matiyak na makamtan ang katiwasayan at mapayapa na paglunsad ng May 12 midterm elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Kasunod ito ng karagdagang 400 na pulis sa magkaibang yunit ng Police Regional Office 10 na ipinapadala sa BARMM para magsilbing standby member ng board of election inspector (BEI) kung sakaling magkaroon ng seryosong problema ang pagsagawa ng halalan sa rehiyon.

Sinabi ni PRO 10 Director Police Brig Gen Jaysen De Guzman na ang dagdag puwersa nila sa BARMM ay upang tiyakin na walang magkaroon ng failure of election sa alinman na munisipyo sa mismong araw na boboto na ang mga tao.

Inihayag ng heneral sa kanyang mga nasasakupan na bilang taga-lingkod bayan, isip na lang nito na obligasyon ito para sa sambayanan kahit malaking sakripisyo ito para sa kanila na pansamantalang malayo sa mga pamilya nila.

Ginawa ni De Guzman ang mensahe alinsunod ng send off ceremony ng PRO 10 sa kanilang mga tauhan na sinaksihan ng ilang Comelec 10 officials sa Kampo Vicente Alagar nitong syudad.

Magugunitang maliban sa 400 pulis na nabawas dahil augmentation force sa BARMM, mayroon din itong 300 na panibagong standby force kung mangyari na may ilang lugar na magkaroon ng failure of elections.

Napag-alaman na nasa higit 8,000 na state forces ang gagamitin ng Comelec sa mismong araw ng halalan sa rehiyon ng Northern Mindanao.