Pinatunayan ni Pinoy Ring icon Manny Pacquiao (62-7-2, 39 KOs) na hindi uubra sa kanya ang mga pasaring at pagmamayabang ni dating undefeated American champion Kieth Thurman (29-1, 22 KOs).
Ito ay matapos na manalo ang 40-anyos na Pambansang Kamao via split decision kontra 30-anyos na si Thurman sa kanilang WBA welterweight super world championship bout.
Binigyan nina Tim Cheatham at Dave Moretti ng 115-112 score si Pacquiao, habang si Judge Glenn Feldman naman ay nagbigay ng 114-113 pabor kay Thurman.
Ang ibinigay na score ni Feldman ay agad na umani ng reaksiyon kung bakit sa kanyang card ay ipinanalo si Thurman samantalang na-knockdown ito sa first round.
Una rito sa unang round pa lamang naging mainit na ang labanan dahil kapwa nagpakawala kaagad ng suntok ang dalawa, pero si Pacquiao ay nagawang pabagsakin si Thrman sa pamamagitan ng kanyang solidong kanan sa mga huling segundo ng laro.
Patuloy na pinahirapan ni Pacquiao si Thurman sa second at third round, pero mas napuruhan si Thurman sa fourth matapos makatanggap ng body shots.
Tila nakabawi naman ang American boxer pagsapit ng fifth round nang igilid niya sa mga lubid si Pacquiao pinatikim ito ng kanyang bagsik.
Sa kabila nito ay nakabawi si Pacquiao at nagbitaw ng mga kombinasyon hanggang sa dumugo ang ilong ni Thurman.
Naging mas agresibo si Thurman nang sumapit ang sixth round at nagawa pang masuntok si Pacquiao ng direkta sa mukha nito.
Patuloy na nagpalitan ng mga power shots ang dalawa sa seventh at eighth round.
Nagawa namang maipasok ni Thurman ang kanyang straight sa huling minuto ng ninth round, at isa pa sa huling bahagi nito subalit gumanti ang Pambansang Kamao para ipabatid sa kalaban na hindi siya nasaktan rito.
Ipinamalas ni Pacquiao ang kanyang bilis sa 10th round nang mapuruhan nito si Thurman sa kanyang bodega.
Dahil sa inindang sakit, walang nagawa ang American boxer kundi sumayaw na lamang sa itaas ng ring para makaiwas sa mga suntok ng Pinoy Ring icon.
Anuman ang gawing pag-iiwas ni Thurman, hindi pa rin ito nakaligtas kay Pacquiao sa 11th round kung saan natamo nito ang kaliwang suntok ng nakatatandang boksingero.
Umatras man ng bahagya, nagawa naman ni Thurman na makabawi nito sa natitirang bahagi ng round.
Dahil tila ramdam na rin nilang dalawa na close ang kanilang laban, humataw at nagpakitang gilas sina Pacquiao at Thurman sa 12th at final round.
Bagamat talo, tanggap naman daw ni Thurman ang kanyang naging mapait na kapalaran sa mga kamay ni Pacquiao.
Pagkatapos ng kanilang laban, masasabi raw talaga niya na “great legendary champion” ang Pinoy Ring icon.
Wala raw siyang sama ng loob sa naging desisyon ng mga hurado pero nananawagan ito ng rematch kay Pacquiao.
Para kay Thurman “blessing” pa rin ang kanyang pagkatalo dahil ang nakalaban niya ay hindi basta-basta lamang kundi isang mabagsik na boksingero.
Napansin na itinaas pa niya ang kamay ni Manny.
Sinasabinga ng katatapos na laban ang pinakamalaking premyo na natanggap ni Thurman sa kanyang career.
Samantala, aminado naman si Pacquiao na hindi naging madali ang kanilang laban ni Thurman dahil makailang ulit din daw siya nakaramdam nang pagkahilo dahil sa mga natamong suntok mula sa kalaban.
Aniya, “good fight” ang nasaksihan ng kanilang fans dahil magaling din na boksingero si Thurman at matibay.
Sinabi naman nito na posibleng sa susunod na taon na siyang sasabak muli sa itaas ng ring.