-- Advertisements --
image 51

Kulong at restricted muna sa kanilang pagganap bilang pulis ang apat na tauhan ng Muntinlupa City Police, matapos maakusahan ang mga ito ng pagnanakaw sa isang bahay sa Putatan, Muntinlupa City noong Martes.

Kasunod ito ng reklamo ng biktimang negosyante na si Baby Gan Lim.

Batay sa salaysay ni Lim, biglang pumasok ang mga suspek sa kaniyang bahay at hinahanap umano ang kaniyang asawang si Dario Españo Cedro.

Pero laking gulat ng ginang nang kunin ng isa sa mga pulis ang kniyang Samsung A72 cellphone.

Pinilit din siyang buksan ang GCash account para makakuha ng pera.

Pina-transfer umano nito ang halagang P50,000.00 sa ibang GCash number.

Maliban dito, hinalughog din ng suspek ang ibang bahagi ng kanilang bahay sa kabila ng kawalan ng utos mula sa korte.

Nakuha ng pulis ang travel bag na naglalaman ng P380,000.00 at bukod pang P9,000.00 sa isang backpack.

Nang dumating naman ang asawa ng ginang, inutusan ito ng mga suspek na magpadala ng P50,000.00 sa isa pang GCash account.

Kasunod ito ng kabiguang makuha ang laman ng ATM mula sa biktima, dahil offline ang kalapit nilang machine.

Bago tuluyang umalis, tinangay din ng mga ito kahit ang helmet at cash na P8,000.00 na nasa motorcycle compartment.

Kinilala ni Southern Police District Director PBGen. Kirby John Kraft ang mga suspek na sina PSMS Leoren Elomina Javier, 42; PCpl Cris Callie Sulit Cruz, 34; PCpl Jenniel Sumawang Calica, 33 at Pat Jon Louie Esparagoza Peña, 29.

“The SPD does not condone wrongdoings of our police personnel, appropriate criminal and administrative charges shall be filed against the involved personnel as warranted by evidence or testimonies,” wika ni Kraft.