BUTUAN CITY – Nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Group-Regional Field Unit 13 ang apat na myembro sa Provincial Intelligence Unit ng Agusan del Sur matapos harap-harapang pagnakawan ang negoyanteng si Jasper Salude Pabilic, residente sa Purok 6B, Poblacion Banay-banay, Davao Oriental habang nasa isang simbahan sa Purok 5, Cogonon, Brgy. Salvacion, Trento, Agusan del Sur.
Nakilala ang mga suspetsadong sina Police Sr. Master Sgt. Ronald Laro, Police Staff Sgt. Dariel John Mozo, PSSg Richard Ayala at Patrolman Ival Klein Osorio na naka-assign sa Agusan del Sur Police Provincial Intelligence Unit.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan kay PMajor Dorothy Tumulak, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO 13), inihayag nitong nakilala ang mga identity ng mga suspek base na sa nakuhang CCTV footage at boluntaryong sumuko ang mga ito matapos ini-utos ni regional director PBGen. Romeo Caramat Jr. ang hot pursuit operation laban sa kanila nang makita ang CCTV footage na nagdetalye sa kanilang ginawa.
Isinawalat pa ng biktima na nasa loob ito ng simbahan para sa bibilhing agar woods nang bigla na lang dumating ang apat ka mga pulis at imbes na sa police station ito dalhin ay dinala ito sa kagubatan kungsaan sapilitang kinuha ang kanyang cash na aabot sa P2,700,000.00 patina ang mga agar woods at personal na kagamitan nito.
Inihayag rin ni Pol. Maj. Tumulak na posibleng sasampahan din ng kaso ang hepe ng Agusan del Sur Police Provincial Office dahil mayroon umano itong alam sa nasabing illegal na operasyon kungsaan ini-utos na rin ni General Caramat ang pagsibak sa nasabing mga pulis mula sa kanilang serbisyo.