-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Naligtas ng mga tauhan ng Women and Children Protection Center ng Philippine National Police (PNP) ang apat na menor de edad, kabilang na ang isang sanggol, sa kanilang pinaigting na kampanya laban sa Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC).

Isinagawa ang rescue operation ng kanilang Mindanao Field Unit sa bayan ng Bayabas, Surigao del Sur sa pangunguna ni Col. Mario Baquiran Jr., matapos makatanggap ng referral mula sa Philippine Internet Crimes Against Children Center (PICACC) at batay sa rekomendasyon ng United Kingdom-National Crime Agency (UK-NCA).

Naaresto ng mga awtoridad si Leonila Talikig Trangia, na inakusahan ng paggamit ng mga bata upang lumikha, mag-produce, magbenta, at magpalaganap ng mga materyales ng child sexual abuse at exploitation (CSAEM) online gamit ang information and communication technology.

Ang apat na nailigtas na biktima, na ginamit umano upang makagawa ng exploitation materials para sa online content, ay binubuo ng dalawang batang babae, isang batang lalaki, at isang walong buwang gulang na sanggol na lalaki.

Kasalukuyan silang nasa protective custody ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Bayabas para sa assessment, evaluation, at intervention.

Bilang bahagi ng operasyon, ipinatupad ng mga awtoridad ang search warrant para sa paghahalughog, pagkumpiska, at pagsusuri ng computer data, na ginamit upang makakalap ng mahahalagang digital evidence laban sa suspek.