Bago pa man ang pormal na inagurasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. ay sunud-sunod na ang pagbisita sa kaniya ng mga ambassadors mula sa iba’t ibang mga bansaa.
Ngayong araw ay nagsagawa ng courtesy call sa tanggapan ni Marcos sa bahagi ng Mandaluyong City ang apat na mga ambassador ng Singapore, United Kingdom, France, at European Union para magpahayag ng kanilang kahandaan na makipagtulungan sa Pilipinas para palakasin pa ang ekonimiya, pamumuhunan, at imprastraktura.
Sa pagharap ni Singapore Ambassador Gerard Ho sa media matapos na makipag-usap kay Marcos, ay sinabi nito na kaniya raw ipinaabot ang malugod na pagbati ng presidente at prime minister ng Singapore sa susunod na pangulo ng Pilipinas. Ibinahagi din ni Ho na napag-usapan din nila ni Marcos Jr. ang ilang mga development at significant economic reforms sa Pilipinas na pagtutulungang paunlarin pa aniya ng dalawang bansa.
Nagpahayag din ng pag-asa si Ho na magpapatuloy pa ang bilateral economic reforms sa pagitan ng Pilipinas at Singapore, at gayundin ang pagdami pa ng mga singaporean companies sa Filipino market.
Bukod dito ay sinabi rin ng Singaporean ambassador na pormal na rin na nagpaabot ng imbitasyon ang kanilang pangulo kay President-elect Bongbong Marcos para magsagawa ng state visit sa Singapore.
Sumunod naman na nag-courtesy call ang envoy ng United Kingdom na si Laure Beaufils. Aniya, ilan sa kanilang tinalakay ay ang pagpapalawak at pagpapatibay pa ng ugnayan sa pagitan ng UK at Pilipinas.
Ayon pa kay Beaufils, kabilang din sa kanilang mga napag-usapan ay ang mga usapin sa climate change, enerhiya, human rights, media freedom at marami pang iba.
Bukod kina Ho at Beaufils ay bumisita rin para magsagawa ng courtesy call sina European Union Ambassador Luc Vèron at Ambassador Michelle Boccoz ng bansang France kay President-elect BBM at nagpahayag din naman sila ng kahandaan na makipagtulungan pa na paunlarin ang ekonimiya at pagtibayin ang relasyon ng kanilang mga bansa sa Pilipinas.
Samantala, magugunita na kasabay ng pagbisita ng iba’t-ibang mga ambassador ng ibang bansa kay President-elect Bongbong Marcos ay abala rin ang kaniyang sa paghahanap ng venue para sa kanyang inauguration sa June 30, at kabilang nga sa kanilang mga pinagpipilian ay ang Rizal Park dito sa Quirino Grandstand kung saan isinagawa rin ng yumaong dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang kaniyang mga major public appearances noong siya ay nabubuhay at nanunungkulan pa.