BAGUIO CITY – Humingi na ng tawad ang nag-post sa social media ng larawan ng apat na lalaking nagpa-picture ng hubad sa sikat na Apao Rolling Hills sa Tineg, Abra, kamakalawa.

Una rito, sa Facebook account ng isang nagngangalang Ley Benabese, kita ang lawaran ng apat na lalaking nakatalikod habang nakahubad na mayroong caption na “Hello 2020, haha” at agad naging viral o usap-usapan.

Gayunman, kinondena ito ng maraming netizens dahil pambabastos anila ito sa isang magandang tanawin.

Matapos naman ang ilang oras ay nabura na ang kontrobersyal na post.

Sa panig ni Tineg Mayor Corinthia Crisologo, tiniyak nito na magsasagawa sila ng karampatang aksyon hinggil sa naturang post.

-- Advertisement --

Ang Apao Rolling Hills ay isa sa mga tourist destination sa bayan ng Tineg kung saan makikita ang “picturesque panorama” ng isang grassland sa ibabaw ng mga burol.

Alok din nito ang mga outdoor activities gaya ng cycling o mountain biking, hiking at climbing.