Posibleng magpasya ang Senate impeachment court sa pamamagitan ng simple majority vote kung ibabasura o hindi ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Senate President at Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero na anumang mosyon na ihain ay dapat pagdesisyunan sa pamamagitan ng simple majority votes.
Dagdag ni Escudero, posible ring ma-dismiss ang impeachment case laban kay VP Sara batay lamang sa isinumite na answer ad cautelam ng kampo ni Duterte.
Iginiit din nito na hindi para sa kanya na magkomento sa answer ad cautelam ng pangalawang pangulo.
Ito ay matapos ipahayag ni VP na hindi siya dapat pilitin na sumagot sa mga alegasyon o kaso na nakapaloob sa verified impeachment complaint makaraang ibalik ito sa Kamara.
Samantala, nang matanong naman si Escudero kung posible bang maibasura ang kaso nang hindi dumaraan sa pormal na paglilitis — at sinagot niya ito ng, “lahat ay posible.”
Aniya, sinumang miyembro ng Korte ay maaari ring maghain ng mosyon upang hatulang maysala si Duterte, at tulad ng mosyon para sa pagbabasura ng kaso, ito rin ay sasailalim sa botohan.
Una nang iginiit ni Escudero na hindi nawalan ng jurisduction ang impeachment court kahit ibinalik sa Kamara ang impeachment complaint laban kay Duterte.
Malinaw aniya sa mosyon na hindi pinapa-dismiss o itini-terminate ang mga reklamo laban kay VP Sara.
Giit pa ng pangulo ng Senado, hindi sila makakapag-issue ng writ of summons kay Kuterte kung wala silang jurisdiction.