-- Advertisements --

NAGA CITY- Tuluyan nang nakasuhan ang apat katao na umano’y nasa likod nang pananambang kay Mayor Nelson Buesa ng Garchitorena ng Camarines Sur noong buwan ng Mayo.

Kinilala ang mga suspek na sina Larry Cultivo, Gebo Brasero, Vigil Balcueva at James Nasis.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), nabatid na tuluyan ng nasampahan ng kasong Attempted Murder at Violation of RA 10591 o Illegal Possession of Firearms and ammunitions ang mga suspek sa Provincial Prosecution Office, Hall of Justice, Naga City.

Kung maaalala, May 6, 2019, pasado alas 1:35 ng madaling araw, sakay ng private vehicle sina Mayor Buesa, asawang si Jolly Buesa, Kagawad Marcelo Aragdon at Errol Arcilla, ang nagmamaneho ng sasakyan.

Mula sa bayan ng Tigaon ang mga biktima at pauwi na sana sa Garchitorena nang biglang pagbabarilin at isang pagsabog pa ang nangyari sa lugar na naging dahilan para magtamo ng pinsala ang sasakyan ngunit maswerte namang nakaligtas ang opisyal at mga kasamahan nito.