(Update) Pumalo na sa apat na teroristang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang patay habang 11 ang sugatan sa inilunsad na opensiba ng militar sa Brgy. Pamalian, Datu Unsay, Maguindanao.

Ayon kay Philippine Army 6th Infantry Division (6ID) Commanding General, MGen. Cirilito Sobejana, ito ay batay sa isinagawa nilang follow-up and clearing operations.

Sinabi ni Sobejana, hinaluglog nang husto ang lugar kung saan narekober nila ang iba’t ibang war materials kabilang na ang napakaraming improvised explosive device (IED).

Sa nasabing operasyon, tatlong terorista ang napatay kabilang ang kapatid ni Abu Turaifi na si Ali Abdul Malik, anak ni Abu Saiden na hindi natukoy ang pagkakakilanlan at isa pang hindi nakikilala na napatay sa may Mahad Buhos area.

Nagsagawa naman ng reinforcement ang grupo ni Commander Bungos sa grupo nina Abu Turaifi kung saan isa ang patay at 11 ang sugatan sa kanilang hanay.

Kinumpirma din ni Sobejana na dalawang sundalo ang sugatan sa nasabing sagupaan at kasalukuyang nagpapagaling na sa ospital.

Nasa 67 terorista mula sa grupo ni Abu Turaifi ang ang nakasagupa ng mga sundalo habang sa grupo ni Commander Bungos ay nasa halos 100 terorista.