-- Advertisements --

Nasakote ng mga tauhan ng otoridad ang apat na kidnapper sa kasagsagan ng pagpapatrolya ng mga police officers ng Pasay City Police Substation 1 sa bahagi ng Roxas Boulevard, Brgy. 6, Pasay City kaninang umaga.

Sa ulat, nagsasagawa ng kanilang routine patrolling ang naturang mga pulis sa nasabing lugar nang rumesponde ang mga ito sa isang komosyon na tangkang pagdurukot sa biktimang kinilalang alias Dana, 35 anyos, isang Chinese businesswoman na noo’y nasa loob ng isang puting sasakyan.

Ang apat na suspek ay kinilalang sina alyas Joe, 43 anyos; alyas Jhing, 27 anyos; alias John, 25 anyos; at alyas Arn-arn, 47 anyos na sakay ng itim na sasakyan.

Habang narekober din ng mga otoridad mula sa naturang mga suspek ang iba’t-ibang mga armas tulad ng mga baril at patalim, ilegal na droga, tatlong handheld radio, duct tape, martilyo na nakabalot sa medyas, at iba pang mga kontrabando.

Dahil dito ay nahaharap ngayon sa mga reklamong may kaugnayan attempted kidnapping, paglabag sa Republic Act 10591 o Illegal Possession of Firearms, RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act, at Batas Pambansa 6 o Illegal Possession of Bladed Pointed of Blunt Weapon.