-- Advertisements --

Umabot na sa mahigit 37M ang kabuuang halaga ng tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga pamilyang patuloy na naapektuhan ng pinagsamang epekto ng Bagyong Crising at ng habagat.

Ayon kay Assistant Secretary Irene Dumlao ng DSWD Disaster Response Management Group, binubuo ang tulong ng 53,383 family food packs, ready-to-eat food, at non-food items na agad na naihatid sa mga komunidad na sinalanta ng kalamidad.

Batay sa ulat ng DSWD-Disaster Response Operations Management, Information and Communication (DROMIC), aabot sa mahigit 151,000 na pamilya o 523,686 indibidwal mula sa 1,134 na mga barangay ang naaapektuhan ng nagdaang kalamidad.

Mula sa kabuuang bilang ng mga apektadong pamilya, mahigit 9,000 pamilya o 33,608 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa 407 evacuation centers.

Dagdag pa ni Dumlao na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kagawaran sa mga lokal na pamahalaan (LGU) para maihatid agad ang tulong.

Kaugnay pa nito, sabay sa tuloy-tuloy na pamamahagi ng tulong ang walang-hintong produksyon ng food packs sa DSWD National Resource Operation Center (NROC) sa Lungsod ng Pasay at sa Visayas Disaster Response Center (VDRC) sa Mandaue City, Cebu.

May nakahandang halos 3B na halaga ng relief supplies at stand-by funds ang DSWD na maaaring gamitin para sa nagpapatuloy na disaster response operations.