-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine National Police (PNP), na nanatili sa 375 sa 14,519 gasolinahan sa bansa ang pansamantalang sarado dahil sa kakulangan sa suplay ng langis dulot ng patuloy na krisis sa Middle East.

Ayon sa PNP patuloy nilang minomonitor ang sitwasyon habang naka-full alert status ang kanilang hanay simula Marso 31, na may higit 98,000 personnel na nakatalaga para sa Holy Week at summer vacation.

“Some stations have reopened after restocking, while the PNP remains vigilant against profiteering, hoarding, and other unlawful activities. Nine cases have been filed, with others under case build-up across various regions,” ayon sa pahayag ng PNP.

Ani PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., nakikipag-ugnayan ang PNP sa Department of Energy at sa Municipal Price Coordinating Council upang matiyak ang maayos na suplay at maiwasan ang abala sa publiko.

Pinayuhan din niya ang mga negosyo na sumunod sa batas at huwag mag-hoard o mag-overprice ng gasolina.

Hinimok ng PNP ang publiko na i-report ang anumang ilegal o hinding magandang gawain kaugnay sa suplay at presyo ng gasolina sa pinakamalapit na istasyon ng pulis, at maaring tumawag sa unified 911, o gamitin ang opisyal na PNP hotline.