-- Advertisements --

Humigit kumulang 35.5 million pang manggagawa ang inaasahang mababakunahan kontra COVID-19 matapos na palawakin pa ng pamahalaan ang A4 vaccination priority group.

Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), ang unang phase ng vaccine deployment para sa expanded A4 group ay tututok sa nasa 13 million pang karagdagan na manggagawa sa NCR+8 dahil sa mga lugar na ito ang majority ng COVID-19 cases sa bansa.

Nasa 22.5 million manggagawa naman sa mga lugar sa labas ng NCR+8 ang siyang mababakunahan din, dahilan para umakyat ang kabuuang bilang sa tinatayang 35.5 million, ayon sa NEDA.

Magugunita na ang NCR Plus 8 area ay binubuo ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal, Laguna, Pampanga, Batangas, Cebu, at Davao.

Nabatid naman na sinimplehan na rin ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang criteria para sa vaccination ng mga essential workers na napapabilang sa A4 priority group.

Pasok na ngayon sa A4 list ang private sectors na kailangan ay physically present sa kanilang pinagtatrabahuhan; mga manggagawa sa government agencies kasama na ang mga nagtratrabaho sa mga GOCCs; informal sector workers at self-employed; pati na rin ang mga kasambahay.

Una rito, ang A4 list ay nakahati sa mga subgroups kung saan kabilang ang mga transportation workers, market vendors, religious leaders, OFWs at iba pa.