Nasa 33 sa 42 priority measures ang inaprubahan ng House of Representatives na kabilang sa priority bills ng administrasyong Marcos at Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Tinutukan kasi ng Kamara ang mga mahahalagang panukalang batas na kailangan upang matupad ito, bilang tugon sa pagnanais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos na maging maayos ang buhay ng mga Pilipino.
Iniulat ni House Speaker Martin Romualdez na nasa kabuuang 8,490 panukalang batas at 1,109 resolusyon at isang petisyon ang na proseso na ng Kamara.
Sa talumpati ni Speaker bago ang sine die adjournment ng First Regular Session ng 19th Congress, pinasalamatan nito ang mga miyembro ng Kamara sa kanilang masigasig na pagtatrabaho sa nakalipas na 10 buwan na malaki ang naitulong upang matupad ang socio-economic development agenda ni Pangulong Marcos.
“Congratulations to everyone for this impressive performance. You did not take your jobs lightly. You conducted yourselves with a sense of pride, professionalism and responsibility. You have carried out your individual roles with zest, making sure that you serve as effective voices of your respective constituents,” sabi pa ni Speaker Romualdez.
Inihayag din ni Speaker Romualdez ang pagratipika ng Kamara sa bicameral conference committee report ng panukalang pagtatayo ng mga specialty hospital na malaki ang maitutulong sa mga nagkakasakit sa mga probinsya upang hindi na kailangang lumuwas pa ng Kamaynilaan ang mga ito para makapagpagamot.
Binanggit din ni Speaker Romualdez ang pag- adopt ng Kamara sa bersyon ng Senado sa Maharlika Fund, kaya maipadadala na ito sa Malacañang upang malagdaan ng Pangulo at maging ganap na batas.
“This is designed to promote economic development by making strategic and profitable investments in key sectors including public road networks,” ani Romualdez.
Sa huling linggo ng sesyon, inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill (HB) No. 8203 o ang Bureau of Immigration (BI) Modernization Act; at ang HB No. 8278 o ang Philippine Salt Industry Development Act. Ang mga ito ay prayoridad din ng LEDAC na maisabatas.
Naisabatas naman sa ilalim ng Marcos administration ang Republic Act (RA) No.11934 o ang Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act; at RA No.11939 na nag-aamyenda sa fixed term ng piling opisyal ng Armed Forces of the Philippines bilang bahagi ng pagtaguyod sa propesyunalismo sa Sandatahang Lakas.
Ayon pa kay Speaker Romualdez, 577 panukala ang natapos ng Kamara sa unang regular session ng 19th Congress.
“Let us continuously improve and optimize the conduct of our work for the benefit of the Filipino people,” ayon kay Speaker Romualdez.