-- Advertisements --

Iginiit ni Justice Panel Chairman at Batangas Rep. Gerville Luistro, na malinaw sa Konstitusyon na nasa Kamara ang kapangyarihang simulan ang impeachment laban kay VP Sara Duterte sa kabila ng mga petisyong inihain sa Supreme Court.

Sa pagbubukas ng pagdinig, sinabi ni Luistro na “hawak ng Kamara ang unang galaw at direksyon” ng proseso. 

Aniya, ang salitang “exclusive power” ay nangangahulugang sa Kamara nagsisimula ang impeachment, habang ang Senado ang magsisilbing impeachment court na magpapasya kung may sala o wala ang opisyal.

Nilinaw rin niya na hindi pa ito paglilitis kundi isang pagsusuri kung may sapat na batayan upang iakyat ang kaso sa Senado.

Tinugunan din ng mambabatas ang alegasyon na lumalampas na sa kapangyarihan ng Senado ang komite. 

Ayon sa kanya, magkaiba ang tungkulin ng dalawang kapulungan at malinaw itong itinatakda ng Konstitusyon ang Kamara ang nag-iimbestiga, ang Senado ang humahatol.

Sa kabila ng mga panawagang itigil ang pagdinig dahil sa iba pang suliranin ng bansa, iginiit ni Luistro na kayang gampanan ng gobyerno ang maraming tungkulin nang sabay. 

“Hindi dahilan ang dami ng problema para pabayaan ang isang mahalagang usapin,” ayon kay Luistro.

Kaugnay ng mga petisyon sa Korte Suprema, sinabi ni Luistro na hindi ito sapat na dahilan upang ihinto ang proseso. Binigyang-diin niya na naghahanap ang taumbayan ng malinaw na sagot sa mga alegasyon, hindi lamang teknikal na argumento.

Para kay Luistro, ang usapin ay hindi tungkol sa personalidad kundi sa pananagutan sa publiko. Layunin aniya ng komite na alamin ang katotohanan at tukuyin kung may sapat na basehan upang ituloy o ihinto ang impeachment.

Sa huli, iginiit niyang ang Kamara ay dapat magabayan ng Konstitusyon at kapakanan ng bansa higit sa lahat.