-- Advertisements --

Nilinaw ni Justice panel chairman at Batangas Rep. Gerville Luistro na hindi “trial” ang isinasagawa ng Kamara kundi isang paunang proseso lamang upang tukuyin kung may probable cause o sapat na batayan para iakyat ang kaso sa Senado. 

Binigyang-diin ni Luistro na ang Kamara ang may eksklusibong kapangyarihang magsimula ng impeachment, habang ang Senado naman ang magsisilbing impeachment court na huhusga kung “guilty” o “not guilty” ang isang opisyal.

Mariin din niyang itinanggi na lumalampas sa kapangyarihan ang komite. 

Ayon  kay Luistro, ang kanilang ginagawa ay alinsunod sa Konstitusyon at sa sariling patakaran ng Kamara, at hindi isang “fishing expedition.” 

Layunin lamang aniya ng pagdinig na suriin ang ebidensya at alamin kung may sapat na dahilan upang ipagpatuloy ang kaso o tuluyang ibasura ito.

Sinagot din ni Luistro ang mga batikos na aniyang isa lamang itong distraksiyon.

Pagtiyak nito na kayang gampanan ng pamahalaan ang maraming tungkulin nang sabay-sabay, at hindi dapat iwasan ang isang isyu dahil lamang sa marami pang ibang problema. 

Idinagdag pa niya na mas mabuting resolbahin agad ang mga paratang upang makapagpokus sa ibang mahahalagang usapin.

Kaugnay naman ng mga petisyong inihain sa Korte Suprema upang pigilan ang pagdinig, sinabi niyang igagalang nila ang proseso ngunit iginiit na karamihan sa mga argumento ay nakatuon sa teknikalidad at hindi sinasagot ang mga pangunahing akusasyon, tulad ng umano’y maling paggamit ng pondo at pagtatago ng yaman. 

Binigyang-diin niya na ang taumbayan ay naghahanap ng malinaw na sagot, hindi lamang mga legal na argumento.

Hinimok ni Luistro ang Bise Presidente na harapin ang pagdinig at sagutin ang mga paratang sa halip na umasa lamang sa mga pahayag sa media o legal na hakbang. Ayon sa kanya, kung walang kasalanan ay dapat itong patunayan sa tamang forum—ang pagdinig mismo.

Iginiit din ni Luistro na ang  proseso ay hindi laban sa personalidad kundi para sa pananagutan, layon nitong alamin ang katotohanan.

Sa pagdinig ngayong araw, inaasahan ang paglahad ng ebidensiya ng mga ahenciya tulad ng COA at NBI maging ang saksi na si Ramil Madriaga na umanoy bagman ni VP Sara.