Pinagtibay ng Commission on Audit (COA) ang notice of disallowance sa P73 million confidential funds na ginamit ng Office of the Vice President (OVP) noong Disyembre 2022, matapos umanong mabigong makapagsumite ng sapat na dokumento bilang patunay sa paggamit nito.
Sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, kinumpirma ng COA na ang naturang disallowance ay nangangahulugang dapat ibalik sa kaban ng bayan.
Ayon sa COA, hindi napatunayan ng OVP na ang ginastos na pondo ay ginamit para sa mga lehitimong confidential activities, gaya ng intelligence gathering at pagbabayad sa mga informant, na kinakailangang may kaukulang dokumento alinsunod sa umiiral na patakaran.
Bukod sa P73 milyon, isiniwalat din ng COA na may hiwalay pang P375 million confidential funds ng OVP para sa taong 2023 na sakop ng mga notice of disallowance. Hinihintay pa ang pormal na paliwanag ng tanggapan ukol dito.
Samantala, iniulat naman ng National Bureau of Investigation (NBI) na may kahina-hinalang pagkakapareho sa mga pirma sa ilang resibo na isinumite bilang patunay ng paggastos.
Lumabas sa forensic examination na ang ilang pirma sa magkakaibang pangalan ay posibleng iisang tao lamang ang gumawa. Sa 36 na resibong sinuri, tinatayang pitong indibidwal lamang ang sumulat o lumagda rito.
Dagdag pa rito, natuklasan sa beripikasyon ng Philippine Statistics Authority na mahigit 1,000 pangalan sa listahan ng mga tumanggap umano ng pondo ay walang rekord ng kapanganakan, kasal, o kamatayan, kabilang ang pangalang “Mary Grace Piattos.”
Bagama’t pinal na ang desisyon ng COA, maaari pa itong iapela ng OVP sa Korte Suprema. Patuloy namang tinatalakay ang isyu sa mga pagdinig sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
















