BACOLOD CITY – Namatay ang tatlong magkakaibigan na sakay sa motorsiklo matapos sumalpok sa Ceres bus sa Toboso, Negros Occidental.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa hepe ng Toboso Police Station na si P/Cpt. Joery Puerto, mula sa inuman sa town proper ang magkaibigan at sa kanilang pag-uwi bandang alas-8:00 ng umaga, may hinabol silang nakaaway sa inuman na sakay din sa motorsiklo.

Pagdating ng mga ito sa Curba Hagnaya, Barangay Tabun-ac, nakasalubong ng mga ito ang Ceres bus na papuntang Bacolod City.

Dahil pakurba ang daan at kinain ng motorsiklo ang lane ng bus, nangyari ang head-on collision.

Dahil sa lakas ng pagkabangga, dead-on-the spot at naputol pa ang paa ng driver ng motorsiklo na si Junrey Bawaan, 19-anyos at residente ng Barangay Bayawak, Escalante City.

Ang dalawang angkas ay dinala pa sa Vicente Gustilo District Hospital sa Escalante City ngunit idineklarang dead-on-arrival.

Hindi pa pinapangalanan ang dalawang angkas.

Ayon kay Puerto, sa ulo ang sugat ng mga biktima lalo na’t wala silang suot na helmet.

Sa ngayon, kulong na sa Toboso Police Station ang driver ng bus matapos sumuko sa otoridad.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here