Tatlo ang patay kabilang ang isang sundalo at dalawang sibilyan sa panibagong sagupaan sa pagitan ng militar at mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) kaninang madaling araw sa may Sitio Sarug, Barangay San Isidro, Agusan del Norte.

Ayon sa report ng militar, nagsasagawa ng combat operations ang mga operating units ng 29th Infantry Battalion ng makasagupa ang rebeldeng grupo.

Umigting ang tatlong minutong palitan ng putukan na ikinasawi ng tatlong indibidwal na nakilalang sina: Sgt. Marlon Balais; Jerson Beto isang estudyante at Pepito Tiambong isang minero.

Idiniklarang dead on arrival sa Cabadbaran District Hospital ang tatlong biktima.
Nagpapatuloy pa rin hanggang sa ngayon ang hot pursuit operations ng militar laban sa mga nakasagupang rebelde.