CAGAYAN DE ORO CITY -Ikinalungkot ng pamahalaan munisipal ang sinapit na pagkasawi ng tatlong residente na tinangay ng tubig-baha habang tumawid sa spillway sa Sitio Calasuyan,Barangay Capihan,Libona,Bukidnon.
Kinilala ni Libona Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office head Neptalie Montoya ang mga nasawi na sina Junrey Morales, 31 anyos;Raymond Basa,33 anyos at isang menor de edad na si Cyrile Salilo na lahat residente sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Montoya na patawid ang mga biktima pauwi nang naabutan sila ng malakas na buhos at na pag-ulan na mayroong kasabay na rumaragasang pagbaha kaya natangay ang mga ito.
Sinabi ni Montoya agad ikinasa ang rescue at search operation subalit inaabot pa ng ilang araw bago magkasunod na natagpuan ang mga bangkay ng mga biktima.
Dagdag nito na ang spillway ay ang pansamantala na tawiran ng mga residente dahil hindi pa naayos ang hanging bridge na nasira ng bagyong Sendong taong 2011.