CENTRAL MINDANAO – Tukoy na ang pagkakakilanlan ng umano’y tatlong kawatan na napatay sa engkwentro ng mga pulis sa siyudad ng Cotabato.

Nakilala ang mga ito na sina Boy Ali Dilalagan Lumilis alyas Boy, 23, may-asawa; habal habal driver Jordan Abdullah at Fahad Guiamadil Elid.

Ayon kay Captain Rostum Pastolero ng Cotabato City Police Office, habang sila ay nagpapatrolya sa Yapsea Street, Barangay Rosary Heights 10 nang mamataan nila ang mga suspek na lulan ng motorsiklo.

Agad sinundan ng mga pulis ang tatlo at akto nilang nakita na hinoldap ng mga ito ang dalawang estudyante na naglalakad sa kalsada.

Sinita ng mga otoridad ang mga suspek ngunit namaril ito kaya gumanti raw ng putok ang grupo ni Captain Pastolero.

Hindi na umabot ng buhay ang mga suspek sa pagamutan dahil sa tinamo na maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.

Agad naman kinuha ng kani-kanilang mga kamag-anak ang bangkay ng tatlong holdupper.

Sa ngayon ay pinaigting pa ng Cotabato City Police Office ang pagroronda sa lungsod.