Tatlong mangingisda ang naligtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) Station Occidental Mindoro na palutang lutang mula sa lumubog nilang fishing boat sa vicinity ng waters off Ligaya, Sablayan, Occidental Mindoro nitong nakalipas na na Miyerkules.
Nakilala ang mga na-rescue na mga mangingisda na sina Jimuel Villanueva, Jonnel Magramo, at Norlie Conchada, pawang mga residente ng Barangay Sta. Lucia, Sablayan, Occidental Mindoro.
Ayon sa Philippine Coast Guard, isang concerned citizen ang nakatanggap ng distress call mula kay Villanueva kaugnay sa insidente.
Dahil dito agad rumisponde ang mga tauhan ng Coast Guard at nagpatrulya sa nasabing karagatan.
Batay sa report ang tatlong mangingisda ay umalis ng Barangay Sta. Lucia sakay sa kanilang fishing boat na “Giannecielle” para mangisda.
Dahil sa sama ng panahon dahil sa bagyong Jolina, nagdesisyon ang mga ito na sumilong sa may vicinity ng Dongon Point, Barangay San Nicolas, Sablayan, Occidental Mindoro.
Pero dahil sa malalakas ang hampas ng alon na siyang dahilan para masira ang outrigger ng fishing boat na naging sanhi ng major damage.
Siniguro naman ng Coast Guard search and rescue (SAR) team na ang mga na-rescue na tatlong mangingisda ay nasa maayos na kondisyon at sila ay nai-turn over na sa kani-kanilang mga pamilya.
Sa ulat naman ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) nasa 17 indibidwal pa ang kumpirmadong nawawala o missing kung saan karamihan dito ay mga mangingisda mula sa Catbalogan, Samar, Culuba, Biliran; Esperanza, Masbate at Naro sa Masbate.