Inihayag ng Department of Budget and Management (DBM) na ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang makatatanggap ng pinakamalaking subsidiya sa hanay ng mga government-owned and controlled corporations (GOCC) sa 2026.
Ayon kay Budget Assistant Secretary Mary Anne dela Vega, matapos na kanselahin ang subsidiya ng state health insurer noong nakaraang taon, iminungkahi ng Ehekutibo ang pagbabalik ng pondo para sa PhilHealth na nagkakahalaga ng ₱53.26 bilyon sa panukalang pambansang pondo para sa 2026.
Ang naturang halaga aniya ay nakalaan para sa taunang insurance premiums ng mga benepisyaryong kabilang sa indigent sector.
Pumangalawa naman ang National Irrigation Administration (NIA) na makakatanggap ng ₱45.07 bilyon, ngunit ito ay katumbas ng 35% na bawas mula sa ₱69.37 bilyong subsidiya noong nakaraang taon.
Samantala, haharap sa 22.7% na pagbaba ng subsidiya ang National Food Authority (NFA), mula sa ₱14.45 bilyon ay magiging ₱11.2 bilyon na lamang sa 2026.
Mananatili namang pareho ang halaga ng subsidiya para sa Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. (PSALM) at Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC) sa ₱8 bilyon at ₱4.5 bilyon, ayon sa pagkakasunod.
Para naman sa sektor ng kalusugan, iminungkahi ang dagdag na ₱107 milyon para sa Philippine Heart Center, na katumbas ng 4.6% pagtaas. Sa kabuuan, aabot sa ₱2.4 bilyon ang pondo ng ospital, dahilan upang mapabilang ito sa mga specialty hospitals na may pinakamataas na alokasyon para sa 2026.