-- Advertisements --

HPG2

Patay ang tatlong miyembro ng umano’y gun-for-hire at robbery hold-up group matapos makaenkwentro ang mga tauhan ng Highway Patrol Group (HPG) at mga tauhan ng PRO-3 at PRO-Cordillera kaninang alas-12:35 ng madaling araw sa may bahagi ng Lamutt-Shilan Road, Brgy Shilan, La Trinidad, Benguet.

Ayon kay PNP HPG director BGen. Rommel Marbil, isang joint operations ang isinagawa sa pangunguna ng Special Operations Division ng HPG kasama ang ibang units ng PNP laban sa nasabing criminal gang members na patuloy sa kanilang mga iligal na aktibidad.

Ayon kay Marbil ang nasabing operasyon ay bahagi ng kanilang intensified anti-carnapping at anti-criminality campaign.

Batay sa report, ang tatlong suspeks ay nakasakay sa pulang Mitsubishi Lancer.

Nag-ugat ang shoot-out mula sa isang insidente sa may bahagi ng Clean Fuel Gasoline Station sa may bahagi ng Baguio-Bontoc Road kung saan na-monitor ng joint-intelligence team ng La Trinidad Police Station ang pulang sasakyan na walang plaka sa likurang bahagi at binabaybay ang nasabing national road.

Agad naman nagsagawa ng verification ang mga tauhan ng HPG sa pamamagitan ng LTO on line 2600 at dito napag-alaman na ang nasabing plaka ay naka-assign sa isang Mitsubishi Adventure.

Dahil dito, agad tumawag ng mobile team para hulihin ang mga suspek.

Nang lapitan na ng mga tropa ang sasakyan, nagpaputok umano ang mga suspek at saka tumakas.

Dito na nagsimula ang habulan at nagkaroon na ng palitan ng putok.

HPG1

Samantala, pinuri ni BGen. Marbil ang matagumpay na operasyon ng kaniyang mga tauhan, habang nagpasalamat naman ito sa Panginoon dahil walang nasugatan sa panig ng PNP.

Sinabi ni Marbil, ang PNP-HPG ay nananatiling nakapokus sa kanilang commitment na tugisin ang mga kriminal at lawless elements sa bansa.

Batay sa kautusan ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos, gagawin ng HPG ang lahat para hindi na makapambiktima ang mga criminal gangs na ito.

Siniguro ni Marbil na ang kanilang aksiyon ay naaayon sa PNP mandates at protocols na may pagrespeto sa human rights at rule of law.