Namataan ang tatlong Chinese research vessels sa exclusive economic zone ng Pilipinas sa nakalipas na 3 linggo.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, patuloy nilang mino-monitor ang natitirang dalawang Chinese research vessels matapos na lisanin ng isa sa mga ito ang EEZ ng ating bansa at bumalik sa Guangdong province sa China umaga nitong Martes.
Sinabi ni Comm. Tarriela na ang isang research vessel ng China na naispatan sa lugar ay ang Xiang Yang Hong 302 na umalis sa Hainan noong Mayo 1.
Sa tulong naman ng dark vessel detection na ibinigay ng gobyerno ng Canada sa PCG, nagawang matunton ang lokasyon ng Chinese research vessel habang papasok ng ating EEZ.
Aniya, kaninang alas-8:00 ng umaga, nasa layong 180 nautical miles ang barko ng China sa may baybayin ng Rizal, Palawan.
Ayon kay Comm. Tarriela, may kabuuang haba na 100 metro at bigat na 4,500 tonelada ang Xiang Yang Hong 302 at may kakayahang magsagawa ng survey sa ilalim ng dagat.
Ang ikalawang Chinese research vessel naman na nadetect sa lugar ay ang Tan Sou Er Hao na umalis sa Hainan tanghali ng Mayo 8 at kasalukuyang nasa 130 nautical miles ng Burgos, Ilocos Norte.
Kaugnay nito, nagdeploy na ang PCG ng aircraft nito at nagsagawa ng maritime domain awareness flight para subaybayan ang galaw ng naturang research vessel.
Ang barko naman na Zhong Shan Da Xue na dumating sa EEZ ng Pilipinas noong Marso 31 ay nakabalik na sa Guangdong province noong Mayo 20.