-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Justice na hindi lamang ang mag-asawang Pacifico at Sarah Discaya ang lumalapit o nagpaparamdam sa kagawaran para humiling ng proteksyon.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla , nasa tatlo (3) hanggang apat (4) na katao ang nais rin daw dumulog sa kagawaran para mapasailalim sa witness protection program.

Kayat hindi lamang aniya mga Discaya ang inaasahang makakapanayam ng Department of Justice na posibleng magbahagi ng kanilang mga nalalaman ukol sa maanomalyang flood control projects.

Dagdag ni Justice Secretary Remulla sa susunod na linggo maaring kanila itong makapanayam kung saan kanyang tiniyak na ito’y iisa-isahin ng kagawaran.

“We have two or three more for next week and a lot more in the coming days I think. We have to really, it’s a process that has to happen because we have to be able to validate amd verify information,” ani Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

Dito binigyang diin ng kalihim na ang pagproseso sa mga nais tumayong testigo o mapasailalim sa proteksyon ng estado ay dadaan para sa ebalwasyon at beripikasyon.

Ngunit tumanggi munang ilahad o idetalye ng kalihim ang tiyak na pagkakakilanlan ng nasa 3 o 4 na mga indibidwal na nagparamdam umano sa kagawaran para sa witness protection program.

Kanya lamang sinabi na mayroong isang opisyal mula Department of Public Works and Highways ang nais nilang kunin na tinitingnan sakaling may maitulong sa imbestigasyon.

Gayunpaman, makikupag-ugnayan o ipapaalam daw aniya muna nila ito sa Senado o Senate Blue Ribbon Committee bago gumawa ng panibagong hakbang o kilos.

Dagdag pa rito’y aminado si Justice Secretary Remulla na hindi biro o madali ang proseso ng ebalwasyon sa mga nais tumayo at mapabilang sa witness protection ng kagawaran.

Aniya’y kalakip ng pagtestigo ay ang posibilidad na kaharaping banta o panganib kaya’t giit ng kalihim, mananatiling pribado ang anumang kanilang ibabahagi sa kagwaran.