-- Advertisements --

ILOILO CITY – Kinumpirma ng Department of Health (DOH)-6 ang ikalawang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Western Visayas.

Sa isinagawang press conference, sinabi ni DOH-6 Director Marlyn Convocar na ang pangalawang kaso ng COVID-19 ay isang 65-anyos na lalaki na nanggaling sa probinsya ng Iloilo.

Ayon kay Convocar, ang nasabing lalaki ang naka admit na sa isang ospital sa Iloilo at nasa kritikal na kondisyon matapos na inubo at nilagnat.

Ani Convocar, mayroon ring travel history ang naturang lalaki sa lugar na may positibong kaso ng COVID-19.

Maliban dito, naka-close contact din niya ang isa pa niyang kapamilya na may travel history sa Japan subali’t nananatiling asymptomatic.

Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang contact tracing ng kagawaran sa mga nakasalamuha ng nasabing pasyente.

Una nang naitala ng DOH-6 ang unang kaso ng COVID-19 sa Western Visayas sa Bacolod City kamakailan.