-- Advertisements --

Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 25 sanggol na infected ng pandemic na coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, pinakabata sa mga infant na tinamaan ng sakit ang isang 9-day old baby mula Central Visayas.

Mula sa nasabing kabuuan, dalawa ang namatay. Matagumpay namang nakaligtas at gumaling sa sakit ang iba.

“Nais naming bigyang linaw na matapos ng muling valdation sa datos, dalawa lang ang namatay sa 25 sanggol na nagkaroon ng COVID-19 ayon sa Epidemiology Bureau.”

“Ang posibleng dahilan kung bakit pumanaw ang mga sanggol sa COVID, ay dahil vulnerable sila sa mga komplikasyon ng sakit buhat ng kanilang immature na immune system.”

Nilinaw ni Usec. Vergeire na wala pang matibay na ebidensyang magsasabi na posibleng masalin ng isang infected na buntis sa kanyang bagong silang na sanggol ang sakit.

Pati na ang transmission umano ng virus sa direktang breastfeeding.

Lumabas kasi sa ulat ng Jose Fabella Memorial Hospital na dalawang newborn babies ang nag-positibo sa COVID-19.

“As to newborns, wala pa rin tayong ebidensiya that they [mothers] can transmit the disease vertically, ibig sabihin from mother to child kapag siya ay nasa sinapupunan ng nanay,” ani Vergeire.