-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nanatiling isolated sa Demidoff Country Resort sa Florence, Italy ang 25 Pinoy crew ng cruise ship na Costa Luminosa matapos na nagpositibo sa COVID-19.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Nonieta Adena, head ng task force on COVID-19 at Vice President ng OFW Watch sa Italy, sinabi nito na aabot sa 300 Pinoy crew ang sakay ng cruise ship na Costa Luminosa na galing sa Marseille France at bumaba sa port of Savona sa Savona, Italy.

Sa naturang bilang, 25 rito ang nagpositibo sa COVID-19 at naka-quarantine ngayon sa Demidoff Country Resort habang ang ibang mga Pinoy crew na nagnegatibo ay tumuloy sa kanilang destinasyon.

Alinsunod na rin ito sa ibinababang desisyon ng pamunuan ng Costa Luminosa at Italian Government.

Samantala, sinabi naman ni Adena na naka-usap na niya ang ilan sa crew members at iginiit na nabibigyan naman daw sila ng medical monitoring sheet.

Sa ngayon ay nagtutulong-tulong ang mga Pinoy sa Italya para maibigay ang pangangailangan ng mga pinoy crew.