KALIBO, Aklan — Patay ang isang 24-anyos na obrero matapos na tamaan ng bucket o pangkaykay ng backhoe malapit sa isang ilog sa Brgy. Agdugayan, Ibajay, Aklan.

Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong pinsala sa katawan si John Ian Daguno, residente ng Brgy. Rizal sa nasabing bayan habang ang operator ng backhoe na kinilalang si Melchor Tenorio ay mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Base sa report, nangyari ang insidente habang nagka-karga sila ng buhangin, kung saan, hindi napansin ng driver ang biktima na naka-pwesto sa kanang bahagi ng dump truck.

Nagulat na lamang umano siya nang biglang may kumalabog sa likod.

Sa pagtingin sa side mirror, nakitang naipit ang biktima.

Samantala, personal na dumulog sa Ibajay Police Station ang may ari ng dump truck at nangakong magbibigay ng tulong pinansiyal sa pamilya ng biktima.