Inaasahan na malalagdaan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 2024 national budget sa Disyembre, na isang mahalagang hakbang upang magamit ng naaayon sa plano ang panukalang pondo.
Ito’y matapos siniguro ni ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na maaaprubahan ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang P5.768 trilyong pambansang pondo para sa susunod na taon bago mag break ang session sa susunod na linggo.
Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag kasunod ng paglabas ng sertipikasyon mula kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang hilingin sa Kongreso na agarang ipasa ang panukalang budget.
Ipinunto ng lider ng Kamara na ang sertipikasyon ay patunay ng pagkilala ni Pangulong Marcos sa pangangailangan na maipagpatuloy ang ang mga programa at serbisyo hatid ng pamahalaan.
Ang sertipikasyon ng House Bill (HB) No. 8980 o ang 2024 General Appropriations Bill (GAB), ayon kay Speaker Romualdez ay pagtupad ni Pangulong Marcos sa pangako nitong ng maagap at epektibong paglilingkod sa mga Pilipino.
Pinasalamatan at kinilala rin ni Speaker Romualdez ang walang kapagurang dedikasyon ng kanyang mga kasamahan sa Kamara sa pagtalakay at pagbusisi sa budget bill.
Muli ring siniguro ng House Speaker ang bukas at hayag na proseso ng pagtalakay sa panukalang pondo na sumusunod sa mataas na panuntunan ng pananalapi.
Ang sertipikasyon ay magbibigay ng pagkakataon sa Kamara na aprubahan ang panukalang pondo sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa loob ng isang araw.
Matapos ang pagpasa sa Kamara ay agad itong ipadadala sa Senado.
Walang sesyon ang Kongreso mula Setyembre 30 hanggang Nobyembre 5.