Limang panukalang batas ang target ng Kamara na maipasa bago ang kanilang session break sa darating na Oktubre.
Inanunsyo ito ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda pagkatapos ng pulong nila sa small group Legislative- Executive Development Advisory Council (LEDAC) ngayong araw.
Ayon kay Salceda, napag-usapan nila sa kanilang pulong ang tungkol sa 2020 proposed national budget na target nilang maaprubahan bago sumapit ang Oktubre 5.
Kanila rin aniya napagkasunduan na ipasa sa lalong madaling panahon ang panukalang magtataas ng buwis sa mga nakakalasing na inumin na inaasahang magbibigay ng karagdagang P33.6 billion na kita sa gobyerno.
Target din nilang maaprubahan bago ang kanilang session break ang panukalang aamiyenda sa 82-anyos na Public Service Act para linawin ang kahulugan ng “public service” sa public utility.
Hangad din umano nilang maipasa sa naturang timeline ang panukalang magtatag sa Department of Overseas Filipino Workers, Corporate Income Tax and Incentives Reform Act, at Malasakit Centers Bill.