-- Advertisements --
FB IMG 1587635503138

Nakatakda raw ilabas ng Supreme Court (SC) ang resulta ng 2019 Bar Examinations sa Abril 29.

Ayon sa SC-PIO, dahil na rin sa kinakaharap ng bansa na Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, ang resulta nang inaabangang bar exam ay ia-upload sa SC website sa Abril 29 pagkatapos ng En Banc session.

Inabisuhan naman ng Korte Suprema ang lahat ng mga nag-take ng bar exam noong November 2019 na manatili ang mga ito sa kanilang mga bahay at i-check na lang ang resulta online.

Ayon sa Korte Suprema, wala umanong papayagang makapasok sa Supreme Court compound sa nasabing petsa at hindi rin idi-display ang listahan ng mga bar passers sa mga premises ng SC.

Maging ang mensahe ng chairperson ng bar exam ngayong taon na Senior Associate Justice Estela Perlas-Bernabe ay ia-upload din sa website at hindi na ito ide-deliver sa Supreme Court premises.

Kaugnay nito, inabisuhan ng Korte Suprema ang mga bar passers na hintayin ang mga announcements kaugnay sa clearance procedure, oath-taking ceremony at roll-signing.