Inilunsad ngayong araw sa may Cotabato City ang malawakang Voters Education hinggil sa pagsasagawa ng kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections sa Oktubre 13, 2025. Ito ay magtatagal ng isang buwan bago ang araw mismo ng halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, hakbang ito ng komisyon upang maikalat sa mga lugar sa Bangsamoro ang kahalagahan ng kanilang partisipasyon sa kauna-unahang Parliamentary Elections at para saan nga ba talaga ito.
Batay kasi sa obserbasyon ng poll body, mahigit kalahati sa mga taga-Bangsamoro ay hindi alam ang mangyayari sa halalan sa Oktubre. Ani Garcia, kailangan masolusyunan ito upang hindi magbunga sa hindi pagboto ang mamamayan sa lugar o di kaya’y piliin na lamang sa balota ang ‘None of the Above’ option.
Nanindigan din si Garcia na tuloy na tuloy na ang halalan sa Oktubre kahit na may isyung lumalabas ngayon sa lugar. Aniya, nais niyang tanggalin ang agam-agam sa mga mamamayan sa Bangsamoro. Tiniyak niya na may mangyayaring halalan sa parlyamento. Ang pagkakaroon ng eleksyon sa BARMM ay bunga ng usapang pangkapayapaan, kaya’t wala siyang nakikita na hindi ito matutuloy lalo na’t naghahanda rin ang poll body.
Samantala, iginiit naman ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Chief Minister na tuloy ang mangyayari halalan sa kanilang lugar at bilang pinuno ng Bangsamoro Government, ito rin ang nais niyang mangyari.
Dagdag pa niya na mahalaga ang bawat magiging boto ng mga taga-Bangsamoro para sa parlayamento. Aniya, huwag magpapadala sa mga nais sirain ang eleksyon.
Tiniyak ni Macacua na katuwang COMELEC at iba pang stakeholders, sisikapin nilang magkaroon ng maayos, malinis at ligtas na halalan ng parlayamento sa Oktubre.