-- Advertisements --

Umabot na sa hindi bababa sa 27 katao ang nasawi at mahigit 170 ang nasugatan matapos bumagsak ang isang fighter jet ng Bangladesh Air Force sa isang paaralan sa Dhaka.

Magugunitang ang insidente ay nangyari sa Milestone School and College, isang pribadong paaralan. Karamihan sa mga biktima ay mga batang estudyante na kakauwi pa lamang mula sa klase nang bumagsak ang Chinese-made F-7 BJI jet.

Ayon sa militar, ang piloto na si Flight Lieutenant Towkir Islam ay nasa isang training mission nang makaranas ng mekanikal na aberya. Nabatid naman na ito ang kanyang unang solo flight, ayon sa kanyang tiyuhin.

Sinubukan pa umano ng piloto na ilayo ang eroplano sa mataong lugar ngunit bumagsak pa rin ito sa gusali ng paaralan.

Samantala sa mga nasugatan, nasa edad walo hanggang 14, ayon sa ospital kung saan sila dinala. Pito sa mga bangkay ay hindi pa rin nakikilala. Maraming kamag-anak ang dumagsa sa ospital, habang mga volunteer naman ang nagsagawa ng blood donation drive.

Nagdeklara na ng national mourning ang pamahalaan ngayong martes.

Nagpahayag din ng pakikiramay si Indian Prime Minister Narendra Modi, at sinabing handang tumulong ang India.

Ang insidente ay itinuturing na pinakamalalang aviation disaster sa Bangladesh mula pa noong 1984, kung saan 49 ang nasawi sa isang commercial flight crash.