-- Advertisements --

NAGA CITY- Aabot sa 20 miyembro ng pinaniniwalaang mga rebeldeng grupo ang sumuko sa tropa ng gobyerno sa Barangay Dogongan Daet, Camarines Norte.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO), nabatid na pinangunahan ni PCol Julius Guadamor, acting Provincial Director ng CNPPO, ang aktibidad kasama ang National, Regional and Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Tampok sa aktibidad ang paghuhubad ng mga rebeldeng grupo ng kanilang mga vestments, pagpirma sa manifesto bilang tanda ng kanilang tuluyang pagtalikod sa kinabibilangang grupo at pagsuko rin ng kani-kanilang mga armas.

Sinunog rin ang isang effigy at watawat ng NPA, nagpalipad din ng mga kalapati at nagwagayway ng bandila ng Pilipinas.

Kaugnay nito, nagpahayag naman ng suporta si PRO5 Regional Director PBGen Bartolome Bustamante at hinikayat ang iba pang mga rebeldeng grupo na sumuko na sa gobyerno para mawakasan na ang kanilang paghihirap at makapagsimula ng bagong buhay.

Samantala, bibigyan naman ng pinansiyal na tulong ang 20 dating mga rebelde bilang bahagi ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng gobyerno.