Maglalatag ang Department of Health (DOH) ng 20 health stations sa mga ruta ng Traslacion sa lungsod ng Maynila sa Enero 9.
Sa inilabas advisory ng DOH, may mga nakatalagang health emergency response team sa bawat istasyon.
Para sa mga debotong mangangailangan ng medical assistance, maaaring magtungo sa mga sumusunod na lokasyon: Quirino Grandstand; Rizal Park sa Roxas Boulevard na may 2 stations; National Museum (Exit Point); Cebuana Lhuillier (near SM Manila), Sun Trust (near Ayala Bridge), kahabaan ng P. Casal na may 2 stations; Quinta Market Parking; Villarica Pawnshop, Quezon Boulevard – 2 stations; Technological Institute of the Philippines cor. Lingkod Bayan (Arlequi cor. P. Casal); San Sebastian Church Ground, MLOU Ground; One Quiapo Hotel, Quezon Boulevard – 2 stations; harapan ng BDO (C. Palanca cor. P. Gomez); MCGI Quiapo, Quezon Boulevard; harapan ng 7/11 at Chowking gayundin sa may harapan ng PhiTrust Bank.
Kaugany nito, pinapayuhan ng DOH ang mga debotong makikibahagi sa prusisyon na hanapin agad ang pinakamalapit na health station, kapag nakakaramdam na ng masamang pakiramdam.
Inabisuhan din ang publiko na magdala ng mahahalagang gamit gaya ng towel, tubig, gamot kung meron man, at sanitizers dahil sa inaasahang mahaba-habang prusisyon.
Nauna ng nagdeploy ang DOH ng 200 personnel mula sa mga karatig na ospital upang magbigay ng emergency health services para sa mga debotong makikilahok sa prusisyon.
Naka-code white alert na rin ang public hospitals para marespondehan ang mga kinakailangang isugod sa pagamutan.
Noong nakalipas na taon, nakapagtala ang DOH ng kabuuang 300 health incidents sa Traslacion.
















