CEBU CITY – Inanunsyo ng Department of Health (DOH-7) na wala pang naitalang kumpirmadong kaso ng monkeypox sa Central Visayas.
Ito ang inihayag ni Dr. Eugenia Mercedes Cañal sa isinagawang presscon kasunod ng dalawang na-detect na suspected cases sa Bohol at Cebu.
Napatunayan naman na negatibo sa monkeypox ang dalawa sa pamamagitan ng isinagawang mga laboratory test.
Una rito, nakatanggap sila ng ulat mula sa mga barangay health worker (BHW) sa Bohol na may isang residente doon na nagpakita ng sintomas ng impeksyon habang ang isa naman ay mula sa isang pagamutan sa Cebu.
Matatandaan na kamakailan lang nang idineklara ng World Health Organization (WHO) ang monkeypox na isang “public health emergency of international concern.”
Kabilang pa sa sintomas ng monkeypox ay lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan at pananakit ng likod sa loob ng limang araw na sinundan naman ng pantal sa mukha, mga palad ng kamay at talampakan, na sinusundan ng mga sugat, at mga spots.
Pinaalalahanan naman ng ahensiya ang publiko na patuloy pa rin sa pagsunod sa minimum public health standards gaya ng pagsusuot ng facemask at social distancing upang maiwasang tamaan ng mga sakit lalo pa’t may banta pa rin ng COVID-19 at iba pang mga sakit.